AMA SA IBA’T IBANG MATA
By: Leonardo “Bobby” Abutin, Jr (June 16, 2011)
ISANG TAWAG MO LANG AKING AMA,
KUMAKARIPAS NA AKO NG TAKBO PARA SUNDIN KA
NATATAKOT NA BAKA IKAW AY MAGALIT
AT AKO TULOY AY IYONG MAHAGIP NG SINTURON MONG PAGKA SAKIT-SAKIT

BAKIT NGA BA ANG ATING AMA
MATAPANG AT MABANGIS PALAGI ANG ANYO NILA
NATATAKOT TULOY AKO NA SIYA AY KAKAUSAPIN
BAKA ISANG SUNTOK ANG AKING ABUTIN

ANG TAPANG-TAPANG NG TATAY KO
SIGA DAW SIYA SA AMIN SA TONDO
PERO PAG NADINIG NA NIYA ANG TINIG NI NANAY
MABILIS PA SA ALAS-KUATRO , MALINIS NA ANG BAHAY

UMIIYAK NA NAMAN SI INA
SIGURADONG BINUGBOG NA NAMAN SIYA NI AMA
ANG KAMALASAN NIYA SA TRABAHO AT BUHAY
BAKIT SA AMING PAMILYA NIYA INAALAY ?

DISIPLINA ANG PALAGING GUSTO NI AMA
ANG HIGPIT-HIGPIT NIYA SA PERA, MANOOD MAN NG SINE AY AYAW PA!
NGAYONG AKO AY MAYROON NANG SARILING PAMILYA, NAUNAWAAN KO NA RIN SIYA
ISANG MASAYA AT MAAYOS NA BUHAY, ANG SA AKIN AY KANYANG IBINIGAY

ILANG TAON NA NAMING HINDI KASAMA SI AMA
NANGUNGULILA NAKAMI SA KANYA
HINAHANAP BA NIYANG KATANGIAN SA ANAK AY WALA SA AMIN?
KAYA BA SA IBANG PAMILYA SIYA SUMISIPING

ANG AMA KO AY ISANG UTO-UTO
ISANG YAKAP AT IYAK LANG AY AGAD KONG NAPAPASUKO
MADALING MAKAKUHA NG PERA KAY AMA
PAMBILI KO NANG MARIJUANA AT MGA DROGA

KUNG MAGBIHIS SI AMA AY DAIG PA SI INA
KULANG NA LANG ANG MAKE-UP AY SIYA NA ANG REYNA
AT PAG LASING NA LASING NA,
KUNG KANI-KANINONG BUHAY ANG PINAGUUSAPAN NILANG MAGBA-BARKADA

KAHIT HIRAP AT PAGOD NA PAGOD NA SI TATAY
PAG DAPIT HAPON AY KAMI ANG KANYANG KA-AKAY
NAKIKINIG  KAMI NG KANYANG MAGAGANDANG KUWENTO
PARA MATATAK SA KAISIPAN NAMIN NA MAY PAG-ASA ANG BAWA’T TAO

ANO MANG ANYO NG ATING AMA
SA PANINGIN NG TAO AT NG ATING DIYOS SIYA AY NAG-IISA
RESPETUHIN AT IGALANG PALAGI NATIN SILA
SAPAGKAT IYAN AY ISA SA KAUTUSAN NG DIYOS NA AMA