BY: Rabespierre “Bobby” Abutin
  Of Seattle, WA and Tondo, Manila
  (March 7, 2010)
Aking anak, bakit ka umiiyak?
Ang puso ko ngayon ay parang mabibiyak
Masaya mong mukha, ang aking ninanasa
Hindi patak ng luha sa maamo mong mukha

Patawarin mo ako kung mahirap tayo
Sadya ang tadhana ay nagdadamot na kusa
Lahat na nang trabaho ay aking sinubukan
Para gumanda lamang ang iyong kinabukasan

Mabigat man ang trabaho ay ginagawa ko
Init at ulan, binabale wala ko na lang
Inaasam-asam- ang pag dating nang dapit hapon
Ang suweldo ko- ang sa inyo ay ipapasalubong

Sapat na sapat lamang ang aking kinikita
Pag may nagkakasakit ay isang malaking problema
Tulong ng mga kamag-anak, ang aking hinahanap
Ngunit sa harap ng bahay sanlaan madalas namumulat

Masamang gawain, madalas naiisip
Takot sa Diyos ang palaging pumipigil
Magandang pangalan na lang ang aking karangalan
Nagbibigay tatag sa aking kamunduhan

Panay dasal at hingi ng awa
Ang panalangin ko sa Amang Diyos na Pinagpala
Huwag Mo po kaming pabayaan  at dinggin ang aking hiling,
huwag na para sa akin kung hindi para sa aking mga supling

Aking anak, hindi man ako ang iyong maging idolo
Magandang mong buhay ang palaging panalangin ko
Mga pagkukulang ko ay sana maunawaan
At maging isang inspirasyon sa mahusay na kinabukasan